Biyernes, Abril 26, 2013

Bookreview:Lovestruck


Isang hapon naligaw ako sa isang malaking bookstore sa Cubao. Habang nag-iikot ay nakita ko ang isang munting puting aklat. Nakaaakit ang pabalat ng aklat dahil cute  ang naka-drawing pero higit sa lahat ang mas nakatawag ng aking pansin ay ang pamagat “Lovestruck . Love mo siya, Sure ka ba?”.  Sa pamagat pa lang malalaman mo na kung tungkol saan ang aklat pero kahit alam mo na ang paksa ng libro mahihiwagaan ka at mahihikayat kang buklatin ito.
            Tinatalakay ng aklat ang iba’t ibang masalimuot na aspekto ng buhay pag-ibig ng kabataan. Sa aklat na ito tinalakay ng may-akda ang pakikipag-date, relasyong tinututulan ng mga magulang, virginity, ang pagiging single ,seks, panliligaw at higit sa lahat ang dakilang pagmamahal ng Panginoon. Magaan basahin ang aklat dahil para ka lamang nakikipag-usap sa isang kaibigang nagkukwento at nagbibigay ng payo. Habang nagbabasa ka hindi mo mararamdaman ang takbo ng oras.Gumamit din ang awtor ng mga salitang pinauso ng mga kabataan gaya ng TL (True Love), mag-syota, mag-on, S.O. (Secret On) at marami pang iba.Kaya naman kayang kaya nitong hulihin ang pulso ng kahit sinong teenager. Nagbahagi din ang may-akda ng ilang mga pangyayari sa tunay na buhay gaya na lamang ng karanasan ni Patrick Moberg, Miss Confused, Vins Santiago at maging ang pahapyaw na “love story” ng kanyang kabiyak na si Gigi.
          Sagana din ang aklat sa mga kwenotng hango sa bibliya at mga “quotable quotes” gaya ng mga sumusunod:
         
          “Pero ang tunay na pagmamahal ay hindi kayang patayin ng distansya. Kahit ilang taon pa kayong hindi nagkita,kung talagang tunay ang inyong nararamdaman, gagawin ninyo ang lahat para mapanatili ang pagtingin niyo sa isa’t isa.”

          “Hangga’t walang wedding ring hindi dapat isinusuko ang virginity. Hangga’t di pa kayo ikinakasal marami pang puwedeng mangyari.”

          “Masakit mang tanggapin, madalas sinusukat ang pagkatao ng isang magulang sa kinalabasan ng anak.”
         

“Single is not spelled A-L-O-N-E”
 
          “The big word and the big step is COMMITMENT. It should be the core element of any relationship”

          Pero kung ako ang tatanungin, masasabi kong ang pinaka-highlight ng aklat na ito ay ang pagsalungat niya sa sinabi ni Alfred LordTennyson narito ang kanyang paliwanag.
         
          "Paboritong-paborito ng marami ang quote na ito ni Alfred Lord Tennyson."It is better to have love and lost, than to have not loved at all”. But it is more desirable to have loved and never lost at all. Preserve your heart. Hangga’t walang go signal si Lord , guard your heart."



          Sa pagbabasa din ng aklat na ito ay nadagdagan din ang aking bokabularyo.Ngayon ay alam ko na ang kahulugan ng mga salitang fornication, bestiality at promiscuous. Sa kabuuan ,masasabi kong  napakaganda ng libro bukod pa sa magaan basahin ay marami kang aral at tips na matututunan. Ipinakikita din ng aklat na ito na ang pag-ibig ay isang unibersal na pwersang nadarama ng lahat kaya marapat lamang na paghandaan at huwag laruin ngunit higit sa lahat ipinakita nito kung gaano kadalisay magmahal ang Dakilang Lumikha.
          Maraming salamat dahil mayroong Ronald Molmisa na nakaisip na lumikha ng aklat tungkol sa  buhay pag-ibig ng kabataan. Dapat lamang na mas mabasa pa ito ng mas marami pang kabaataan, sigurado ako matutuwa sila sa pagbabasa nito anuman ang estado ng kanilang buhay pag-ibig.

*Lahat ng mga pangungusap na nakapahilig ay sinipi mula sa aklat ni Ronald Molmisa na "Lovestruck. Love Mo siya? Sure ka ba?"

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento