Linggo, Mayo 26, 2013

Tara ,Laro Tayo


          


   Paano nga kaya kung ang mga laruan ay marunong magsalita? Paano kung mayroon silang isip at damdamin tulad natin? Sa paningin kasi natin mga laruan lamang sila,lalaruin natin kung kalian  natin gusto at kapag nasira o di kaya ay pinagsawaan na natin ay ididispatsa na lang ng basta-basta.
                        Humahanga ako sa taong nakapag-isip na gumawa ng isang pelikula tungkol sa mga laruan. Aliw na aliw ako sa panoond ng Toy Story, pinanuod ko ang magkakasunod na pelikula mula 1 hanggang 3 ay talagang tinutukan ko. Sa panonood ng pelikula ay muli akong bumalik sa panahon ng aking kamusmusan nakita ko ang sarili ko sa katauhan ni Andy, ang batang nagmamay-ari sa mga laruan. Naalala ko din ang aking mga laruan.
                                 
                                                                                                                                                                                       Sa Toy Story 1 ipinakita na ang mga bata ay mayroong iba’t ibang paraan ng paglalaro at pagtrato sa mga laruan.Mayroong maayos maglaro at kaibigang ituring ang kanyang mga laruan gaya ni Andy at mayroon namang labis maglaro at naninira ng laruan gaya ng kapitbahay nila Andy sa pelikula. Ipinakita rin sa pelikula na ang mga laruan ay ang pinakaunang kaibigan ng isang bata, ito ang nagbibigay ng kasiyahan, kasama kahit saan sa pagkain at maging sa pagtulog. Ipinakita rin sa pelikula na ang pagkakroon ng kaibigan ay isa sa mga masasayang bagay na masayang maranasan ninuman.
   

                                                                                                                                                                          Sa Toy Story 2 naman ipinakita na mayroong nabubuong espesyal na relasyon sa pagitan ng laruan at sa nagmamay-ari nito. Sa panonood nito naisip kong napakahirap at masakit pa lang maging laruan, lalo na kapag kinalimutan ka na ng nagmamay-ari sayo.Gaya na lamang sa nangyari sa babaeng cow-girl na si Jessie,nang  lumaki na ang batang nagmamay-ari sa kanya at nagdalaga kinalimutan na lang siya nito at itinapon.
                    
                                                                                                                                                                 Pero ang pinakagusto ko sa lahat ay ang Toy Story 3 kung saan sa di sinasadyang pangyayari ay bigla silang napadpad sa isang daycare. Malaki na rito si Andy,labimpitong taong gulang na siya at tutungtong na siya sa kolehiyo ibig sabihin lang nito ay wala na siya sa panahon ng kamusmusan, iba na ang kanyang mga interes at iba na rin ang mga bagay na nakapagpapasaya sa kanya. Ang pinakagusto kong eksena ay nung ipinaubaya na ni Andy ang kanyang mga laruan sa isang batang nagngangalang Bonnie, mayroon kurot sa puso ang eksena at dito ko natantong kahit gaano pa kasakit at kahirap ang isang pangyayari ,kailangan pa rin natin itong tanggapin sapagkat masakit man isipin hindi tayo mananatiling bata habambuhay, kailangan  nating lumaki, umuusad kailangan nating magpatuloy.



                      



Nakakatawa,magulo at masaya ang pelikula. Magugustuhan ito hindi lamang ng mga bata pati na rin ang mga isip-bata ,mga nagpapabata at sa mga gustong maging bata muli.
 Bigla ko tuloy naalala yung mga laruan ko, lalo na yung teddy bear kong si   Snow White,iniregalo siya ng isang kong ninang nung bininyagan ako at ang ate ko naman ang nagbigay ng pangalan sa kanya dahil nga kulay puti siya at mayroong green at red na kulay sa kanyang mga paw.Hindi ko na alam kong nasaan si Snow White .Hanggang ngayon ay mayroon pa naman kaming mga natitirang laruan, nakalagay na lang sila sa isang bookshelf.Hindi ko na alam kung nasaan na yung iba naming laruan pero sana nasa mabuti silang pangangalaga at naghahatid ng kasiyahan kung sino man ang may hawak sa kanila ngayon.


Ang ating mga laruan ang siyang nagpapaalala sa atin ng ating kamusmusan , iyong panahon na wala pa tayong masyadong iniisip yung panahon na puro laro lang .Ikaw, naaalala mo pa ba yung mga laruan mo?Nasaan na ? Halika at maglaro tayo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento